Sunday, August 21, 2016

p44



157. At kapag narinig mo ang isang lalaki na nagwika: “Tunay na dinadakila namin ang Allah تعالى.”  sa tuwing kanyang naririnig ang mga Hadith ng Propeta صلى الله عليه وسلم na nauukol sa Kanyang mga katangian, pakaalamin na ang lalaking yaon ay isang Jahmian. Sapagkat nais niyang pasinungalingan ang mga  Hadith ng Propeta صلى الله عليه وسلم at kaya niya lamang ito nasambit. At sa pag-aakalang dinadakila niya ang Allah تعالى sa pamamagitan ng mga katagang ito sa tuwing naririnig ang mga Hadith na patunay na makikita ng mga mananampalataya ang Allah تعالى sa Araw ng paghuhukom at patunay sa pagbaba ng Allah تعالى sa kalangitan sa tuwing pagsapit ng ikatlong bahagi ng gabi, at iba pang mga Hadith na may kauukulan sa mga katangian ng Allah تعالى. Hindi baga’t parang pinasinungalingan niya na rin ang Propeta صلى الله عليه وسلم nung kanyang sinabi: "Dinadakila namin ang Allah تعالى sapagkat hindi umaangkop na sabihin na ang Allah تعالى ay bumababa mula sa isang lugar tungo sa ibang lugar.” ? At para na ring kanyang sinabi na siya ay mas higit na maalam sa Allah تعالى kaysa Kanyang Propeta صلى الله عليه وسلم. Pakaiwasan ang mga tulad nila dahil karamihan sa mga tao ay basta na lamang tumatanggap ng anumang maka-Islamikong ideya nang walang pagsusuri. Kaya’t bigyang babala ang mga tao tungkol sa kanila.
    At kapag may nagtanong sa’yo tungkol sa bagay na napapaloob sa aklat na ito bilang isang nangangailangan ng kaliwanagan at gabay ay nararapat mo siyang gabayan at turuan. Ngunit kapag naman siya ay nagtanong upang makipagtalo at makipagbangayan, marapat mo siyang iwasan at hayaan. Sapagkat ang mga bagay na tulad ng pakikipagbangayan at pakikipagtalo ay mahigpit kang pinagbabawalan sa mga ito dahil hindi ito ang tamang pamamaraan upang makamtan ang katotohanan.
    Sinabi ni Hasan Albasry رحمه الله :

“Ang isang matalino ay hindi nakikipagtalo  at nakikisama matanggap lamang ang kanyang kaalaman, bagama’t kung ito man ay tatanggapin ay pinapasalamatan at pinupuri niya ang Allah تعالى at kapag hindi man ito tinanggap ay pinapasalamatan at pinupuri niya ang Allah تعالى."
    Minsan ay may dumating kay Hasan at nagwika: “Halika’t paghambingin natin ang ating nalalaman sa pananampalataya.” Ang tanging sagot ni Hasan: 

“Tiyak kong nalalaman nang husto ang aking relihiyon at pananampalataya, kung hindi mo pa man din natagpuan ang iyong relihyon ay lubayan mo ako at hanapin mo ang katotohanan.”
    At minsan ay narinig ng Propeta صلى الله عليه وسلم ang isang lipon mula sa mga Sahabah sa tapat ng kanyang silid, wika ng isa sa kanila: “Hindi ba sinabi ng Allah تعالى ay ganito?”, ang sabi naman ng isa: “Hindi ba sinabi ng Allah تعالى ay ganito?”. Nang marinig ito ng Propeta  صلى الله عليه وسلم ay agad na tinungo sila na tila bahid sa kanyang pagmumukha ang matinding galit at nagwika:
 “Iyan ba ang ang inutos ko sa inyo?, Iyan ba ang dahilan kung bakit ako isinugo sa inyo?, Iyan ba, ang paghambingin at pagtalunan ninyo ang salita ng Allah تعالى !”
 Kaya’t sila ay pinagbawalang makipagtalo at makipagbangayan.
    At sina Abdullah bin Umar at Anas bin Malik رضي الله عنهم at ang mga iba pang pantas magpasakasalukuyan ay kanilang tinatanggihan ang paghahambing at pakikipagtalo.
    Bagkus ang salita ng Allah تعالى ang siyang nakahihigit sa lahat ng mga salita, Kanyang sinabi:


(مَا يُجَادِلُ فِي آيَاتِ اللَّهِ إِلَّا الَّذِينَ كَفَرُوا فَلَا يَغْرُرْكَ تَقَلُّبُهُمْ فِي الْبِلَادِ)
[سورة غافر 4]
Sa malapit nitong pakahulugan:
          Walang nakikipagtalo hinggil sa mga talata ng Qur-an at  mga katibayan nito na tinatapatan at hinahambing ito sa kamalian  maliban sa  mga di-mananampalataya at nawalan ng pananampalataya, kung kaya'y huwag kang magpapalinlang sa kanilang  kagalingan  sa  paglalakbay  na pagpaparoo’t paparito  dahil sa pangangalakal, at sa sarap at  kinang ng  makamundong buhay na taglay nila.
             At minsan ay tinanong si Umar bin Khattab رضي الله عنه ng isang lalaki: "Ano ang kahulugan ng ( والناشطات نشاطا) na nabanggit sa Surah Annazi-'at?” Ang sagot ni Umar: “Kung ikaw lamang ay kalbo* ay pinugutan na kita ng ulo.”
    Naiulat na sinabi ng Propeta صلى الله عليه وسلم:

“Ang isang ganap mananampalataya ay hindi nakikipagtalo — at ako ay hindi mamimintakasi** sa sinumang nakikipagtalo sa Araw ng paghuhukom —  kaya’t iwan ang pakikipagtalo dahil walang itong maidudulot na mabuti.” ***

===============
Talababaan:
* ang pagiging kalbo ay isang palatandaan ng mga Kha-riji dahil ito ay itinuturing nilang pagsamba.
** mamamagitan para matulungan
*** ito ay naiulat bilang Hadith , ngunit pagkaraang masuri ng mga pantas sa larangan ng Hadith, ang nasabing Hadith ay napag-alaman na ito pala ay isang kathang Hadith lamang.

#transbrbhry296


ترجمه أبو حيان

No comments: