Monday, July 11, 2016

p31



110. At iyong pakaalamin na kung lamang ang mga muslim ay tumigil sa mga makabagong bagay na nauukol sa Islam at hindi na ito panghimasukan at lumayo na lamang dahil wala itong pinanghahawakang katibayan mula sa katuruan ng Propeta صلى الله عليه وسلم at wala rin sa pinagkásunduán ng mga Sahabah, wala na sanang Bid-'a o makabagong panrelihyon.
111. At iyong pakaalamin na ang iilan sa mahahalagang bagay at mortal na kasalanan na nakapagpapalabas ng isang muslim mula sa pagka-muslim ay ang pasinungalingan ang anumang inihayag ng Allah تعالى sa kanyang mga propeta o anumang Kanyang sinabi, at pagdagdag ng mga bagay na hindi naman sinabi ng Allah تعالى o pagbawas nito. At gayundin ang pasinungalingan ang kasabihan ng Propeta صلى الله عليه وسلم.
        Pakatakutan mo ang Allah تعالى - kaawaan ka nawa Niya - at pakasuriin ang iyong  sarili sa mga bagay na iyong ginawa para sa ikaliligtas ng iyong sarili. Kung kaya'y pakaiwasan mo ang pagmamalabis sa iyong relihyon. Sapagkat hindi ito ang tamang pamamaraan.
112. At lahat ng aking sinabi at inilarawan sa aklat na ito ay nakabatay sa sinabi ng Allah تعالى at ng kanyang Propeta صلى الله عليه وسلم at ng mga Sahabah رضي الله عنهم at ng mga sumunod sa kanilang pamamaraan mula sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.
        O alipin ng Allah, iyong pakatakutan ang Allah تعالى, nararapat sa'yo na paniwalaan ang nilalaman ng aklat na ito nang may tunay na pagsuko sa Allah تعالى at lugód sa mga ito. At huwag itong ilihim sa mamamayang muslim. Marahil na magsisilbi ito upang gabayan ng Allah تعالى ang isang ligaw na lito sa kanyang pananampalataya o may taglay ng Bid-'a at maliligtas dahil sa iyong pagpapahayag ng aklat na ito.
        Pakatakutan mo ang Allah تعالى at panghawakan mo ang pamamaraan ng Propeta صلى الله عليه وسلم at ng kanyang kasamahan tulad ng aking inilarawan sa aklat na ito. Kalugdan at kaawaan nawa ng Allah تعالى ang sinumang babasa ng aklat na ito at gayundin ang kanyang mga magulang at ang sinumang nagpahayag níto at isinabuhay ang nilalaman nito at nanawagan tungo sa aklat na ito at ginawang batayan ang nilalaman nito. Sapagkat ang nilalaman nito ay ang relihyon ng Allah تعالى at pananampalataya ni Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم.
        At sinuman ang nagtataglay ng pananampalataya na wala sa nilalaman ng aklat na ito ay tunay na lumabas sa pamamaraan at pananampalataya ng Ahlus Sunnah wal Jama'a. At parang tinalikdan ang lahat ng nilalaman nito tulad ng isang taong nanámpalataya sa lahat ng ipinahayag ng Allah تعالى maliban na lamang sa isang salita ng Allah na kanyang pinag-aalinlangan. Tunay na siya ay kanyang pinag-aalinlangan ang lahat ng sinabi ng Allah تعالى.
         At tulad din ng pananampalataya na walang ibang diyos maliban sa Allah تعالى, hindi magiging tama hangga't kanyang paniwalaan ito nang tapat at totoo na walang halong duda. At gayundin ang pananampalataya sa kasabihan ng Propeta صلى الله عليه وسلم  ay hindi wasto kung may pagtanggi sa ibang katuruan ng Propeta صلى الله عليه وسلم. At para na rin niyang tinalikdan ang lahat ng katuruan ng Propeta صلى الله عليه وسلم. Kaya nararapat sa'yo ang ganap na pagtalima nito at iwan mo ang pakikipagtalakayan ukol dito dahil hindi ito ang tamang pamamaraan lalong-lalo na sa kapanahunan mo ngayon kung saan dumarami ang kasamaan. Kung kaya ay pakatakutan mo ang Allah تعالى.

#transbrbhry296


ترجمه أبو حيان

No comments: